Minsan may mga ordinaryong pagkakataon na nagpapabago kung paano natin nakikita ang mga simpleng bagay, mga ordinaryong eksena tumatatak ng aral na dadalhin natin habang buhay.
Kahapon lang, habang sakay ng jeep may tao akong nakilala, si andre isang ordinaryong mukha na hindi natin papansin pag nag-cocommute. Wala namang kakaiba, sumakay ako ng jeep paauwi kasabay ng mga nanay ko sa opisina, upo tapos wala ng pakialam sa paligid.. pero bigla akong hinila ng isang kaopisina para umupo sa tabi nya.. lipat ulit ng upuan, walang problema sakin kase baka gusto lang nila akong katabi.. pero iba pala ang rason.
Pagkalipat ko ng upuan, saka ko napansin na ang katabi ko nung una, pumapalakpak, tumatawa at nagsasalita mag-isa.. unang kong reaksyon, natakot. Sabi ng isang nanay-nanayan ko…”baliw ang nakatabi mo” kaya daw pinalipat ako nila.
Pero dahil dun, inobserbahan ko sya.. kinakausap sya nung asawa nung driver na nagsilbing konduktora.. “andre” ang tawag sa kanya, tapos nung nakita nung konduktora na tinitingnan ko yong si andre sabi nya “mabaet yan”.. alam mo yong pakiramdam na napahiya ka kahit di mo naman intension na gumawa ng kasalanan, yon ang naramdaman ko.
Tapos saka ko napansin na sumasagot sya ng matino sa mga tanong sa kanya nung konduktora, hindi sya baliw, may kunting kulang lang sa pag-iisip, isang taong espesyal pero namumuhay ng normal… pumapalakpak at tumatawa sya kase masaya sya.. ganun daw si andre pag sumasakay ng jeep sabi nung konduktora. Libre ang pagsakay nya sa jeep, kase bababa din naman daw sya sa pinakamalapit na chapel para magsimba.
Nung pagkababa ni andre, napatanong ako sa sarili ko, ang simple lang ng kaligayahan nya, saka ko biglang naisip na halos tatlong buwan kong naikulong ang sarili ko sa ibang bagay.. nakalimutan ko ang sarili ko, nakalimutan ko na simple lang pala ang nagpapasaya sakin. Nakakatawa ano? Umaabot tayo minsan sa lebel na ang dami nating dinadala pero kung tutuusin pwede naman itong bitawan o ilapag para di mabigatan.
Ang dami kung nakalimutan sa mga ordinaryong ginagawa ko dati, nakalimutan kong i-appreciate minsan ang pagkakaroon ng sandali na hawak ko ang oras ko, mahirap makipaghabulan sa ating sarili mismo, tapos wala naman palang nagbabago dahil paniwalaan man natin o hindi may mga bagay na di natin kontrolado.
Kahapon, imbes na sumakay pagkadaan mula sa pinakamalapit na mall, nilakad ko nalang, nakakamiss pala ang paglalakad kahit mag-isa lang, dumaan ako sa pinakamalapit na parke kahit isang klase lang ang mga puno dun, Masaya na ako na nakadaan ulit dun kasama ang mga artipisyal na kalahi kung alitaptap..
natuwa ako, dahil kay andre bumalik na sa dating sarili si aninipot..