Eksaktong isang taon at sampung buwan narin pala ako na nagtatrabaho bilang isang empleyado ng gobyerno, hindi ako nagbibilang para i-selebra na nakayanan ko kung paano maging isang empleyado ng gobyerno pero nagbibilang ako para kumbinsihin ang sarili ko kung sapat na ba ang nakita ko para magsalita, pero kulang pa, yon nga lang may kalayaan tayong sabihin ang gusto nating sabihin kaya yon muna ang pinakamalapit sa katotohang pader na gagamitin ko para sandalan.
Aminado ako na ni sa hinagap hindi ko pinangarap na makapagtrabaho sa isang sangay ng gobyerno, hindi rin naman ako ipokrita para sabihing hindi ko alam ang mga kamalian na lumalabas sa medya,pero saan ako binagsak ng tadhana dito, para sigoro makita ang ibang bagay na hindi nakikita ng mga mata lalo na pag ordinaryo lang tulad ng mga simpleng proyekto na minsan inaakala nating simple lang pero kadalasan buhay na pala ang binubuwis. Ano nga ba ang punto ko? Simple lang nanghihingi ako ng tenga para maintindihan at makita din ang kalahating panig na madalas hindi pinapansin.
Masakit tanggapin ang mga salitang sinasampal ng mga tao para sa mga taong nasa gobyerno, masakit lunukin lalo na alam mong may pagbabago pero hindi man lang binibigyan ng halaga ng iba. Sinasabi ko to HINDI para sa mga politikong madalas nagpapapogi sa harap ng kamera at mikropono ng radyo pero para sa mismong simpleng manggawa ng gobyerno.
Naiintindihan ko na lahat ng tao naghahanap ng pagbabago, karuwagan sa buhay, at kapalit sa mga binabayad ng buwis, at totoo naman na kelangan nating makita ang resulta at mapakinabangan ang parte na binibigay mula sa pawis ng pagtatrabaho, ako rin naman nangangarap tulad mo.
Pero minsan gusto ko namang makita nang iba na sa kabila ng mga katarantaduhan ng mga lider na nasa puwesto may otsenta porsyento pang naiiwan na tahimik na nagtatrabaho. Tahimik na ginagawa ang tungkulin na minsan hindi pa nangalahati ang benipesyo na nakukuha kumpara kung nagtatrabaho sa pribadong kawani.
Pwede mog sabihing na pwede naman kayong umalis dyan, pero ang gusto kong ipakita ay larawan ng mga taong ginustong magsilbi. Kelan ba papansinin ang ganitong senaryo? Madalas tayong naka-abang ng mga maling balita, kibit-balikat pag maganda tapos pag may pagkakamali, ratsada na ang reklamo. Ganun talaga sigoro.
Marami ang nagtatrabaho sa sabado na libre, walang bayad ang overtime pero dahil tanggap na parte ito ng pagiging mangagawa ng gobyerno walang nagrereklamo, magtatanong ako, sino ang papayag na magtrabaho ng walang bayad?
Naniniwala parin akong hindi pa bulok ang sistema ng gobyerno, umuusad parin ito, katulad lang din ito ng pila sa NSO kung lahat ng taong nasa pila ay may disiplina may aarangkada. Wag lang humiling ng magic hijo at hija, walang mahika ang nasa likod ng lamesa.
Aminin man o hindi isa sa gusto natin ay ang agarang may makitang pagbabago pero tanong lang, saan nagsisimula ang pagbabago? Kung tayo mismo hindi nagbibigay ng espasyo para sa pagbabago bakit pa maghahanap diba?ang punto dito, hindi lang ang nasa puwesto ang may responsibilidad, ako, ikaw at lahat ng Pilipino.
Hawak natin ano ang mangyayari, kung titingnan ilan lang ba ang president? Ang bise-presidente? Kumpara sa ilang milyong populasyon ng mamamayan. Tuldok lang sila sa pangkalahatan, kung tatayo ba ang presidente sa kumpol ng milyong-milyong tao makikita pa? hindi diba? Pero ang karamihan ang nagpataas sa kanya para maiupo sa pwesto, ganun ang kapangyarihan ng karamihan.
Bago pa lumihis ang mga sinasabi ko, ibabalik ko ulit sa totoong direksyon ang pagtipa ko. Ang sa akin lang naman ay wag husgahan ang pangkalahatan, responsibilidad ng bawat isa ang anumang salita na lalabas sa kaanya-kanyang bibig, hangga’t hindi pa alam kung ano ang istorya sa likod ng nakikita wag munang magsalita. Bow!