Babae, ginawa ka upang maging kabiyak ng lalaki sa mundo.
Ito’y sinunod ng ating mapanghusgang lipunan, ikaw man ay may paninindigan o umaayon lang depende sa agos ng higit na makapangyarihan.
Ang dikta ng lipunan ay manatili kang malinis, huwaran ayon sa panlasa ng karamihan, ngunit sino nga ba ang higit na nakaka-alam ng katotohanan?
Ikaw na pinagpalit ang dangal para sa mga sikmurang walang laman? o sila na nagugutom sa tawag ng laman?
Ang mapanghusgang mata ng tao ay umayon lang sa pagiging gutom sa markang mas mataas sila, mas higit na malinis, mas higit ang katanyagan at sa balat-kayong respetong inaasam.
Ngunit wala ka nga bang respeto sa sarili?
Tanging ginawa ay ibenta ang naiwang meron ka, di mo naman ninakaw ang ibinigay mo dahil iyon ay iyo.
Anong kaibahan sa Agilang nag-hihintay ng biktima? sa iyo bilang kalapati na nagbibigay ng pansamantalang langit sa iba.
Agilang dadalhin sa himpapawid ang biktima para sa gutom na sikmura o ikaw na nagpapakain sa mga gutom na kaluluwa?
Pekeng ungol, haling-hing at haplos ay musika sa tenga ng iba, ikaw ba’y di nagsasawa sa pagpapakalunod sa ganitong saliw na musika? sa ritmong salapi ang nagdidikta.
kalapati, may pag-asa ka!
kulay mo ay puti, may mantsa man, ngunit sa puso’y iniwan sapat na matuto kang humakbang mula sa kinalulugmukan.
Huwag hayaang makulong sa hawlang walang kandado, asan na ang mga pak-pak mo? kelan mo matutunang ikampay ito? lumipad ka para lumaya.
hanggang kelan ka mag-papaalipin sa maskara ng kadiliman?
Desisyon mo ang pagbabago.
lalakad ka ba sa landas na may ilaw o mananatiling taga-tanglaw sa may ilaw habambuhay.
Babae, higit kang pinagpala kung ang sarili ay pina-apakan para may isang aakyat mula sa hagdan ng kahirapan.
Pero wag hayaang buong-buhay ay yurakan.
huwag masilaw sa sinag ng araw, dahil kakabit nito ay pag-asa, wag ipikit ang mga mata, pwedeng pansamantala upang sa pagmulat masisilayan ang ganda ng umaga.
isang mapagpalayang buwan ng mag kababaihan, kaibigan!.