Monthly Archives: September 2010

wag magulo, gumagawa ako ng malanding tula

Standard

hoy, hijo bakit malamlam mga mata mo?
nakakita ka ba ng engkanto o nahalina sa kagandahang nasa harapan mo?

engkantadang bumubusilak sa lamparang walang kupas,
naghahanap ka ba ng kabiyak?

ngunit puso ng mamang nakatayo, sing tigas na ng bato,
ano ba naman ito?

wari ba’y puso ni Binibini naisahog na sa pulang karne,
lumapot at lumambot hanggang sa wala nang mapulot

haring araw naman, magtago ka na upang dilim ay babalot
at kalandian ay masimulan paakyat sa hagdan.

kung ang langit ay di pa nasusunog,
hahayaan ko ang sariling masunog sa titig mo irog

walastik na tula, sumasalabit sa mga taong walang sabit,
sing gulo ng utak ng taong bumubuo sa likod ng mga salitang ito.

manghihiram nalang ako ng termino mula sa kakaibang ebang ito,
bago masita ang inyong lingkod,
Bongga Jabongga, tae lang nakalimutan ko, wala pa akong sinisinta.

mwuah! Bow!

alapaap

Standard

panahon na sigoro na ikampay ko ang mga pakpak ko, tama na ang paghihintay, tama na ang pamamahinga. Ngayon sa bawat kampay dadalhin ko ang naipong lakas ng loob, sa paghakbang sa isang di kilalang kalawakan, nawa’y ang alapaap ay ngingiti upang ipabatid na ako ay pwedeng makipaglaro sa kanyang alagad na hangin at ulap.

sa paglipad, dadamhin ko ang lamig ng hangin, ang init ng araw at ang asul na langit, bubuksan ang puso para sa mga estrangherong manlalakbay at susubukang pagmasdan ang paligid habang tinatanaw ang lugar na gustong dapuan pagsapit ng takip-silim.

ako ngayon ay malayang ibon, lumilipad para sa sarili, diretso man ang tingin, ala-ala ng kahapon ang dadalhin, bilog parin ang mundo, umiikot parin ito, nawa’y sa pag-ikot ng panahon tayo muli ay magtagpo.

gusto ko, flower girl ako.

Standard

kwentong bridesmaid eto, pero pasensyahan tayo kung bali-baliktad ang pagkwento, alam nyo na, bangag na naman ang utak ng nagsalitype nito..hahaha

bridesmaid ako sa kasal, nung sabado..second time, kahit ayaw ko ng high heels, ayoko ng make-up pero dahil friend ang nakiusap o sige go!.. 1 week bago ang kasal saka pa lang ako nagpasukat para sa dress, syempre busy ang beauty ng lola nyo, pero kung titingnan sobrang lapit lang naman kung saan dapat ako magpapasukat…. oo na, tinamad lang naman pero naabot naman kaya ok na, di ko problema yon, problema ng modista…wahahaha

tapos nung sabado, kasalan na, mas namroblema ang groom kung kelan ako darating kase may pictorial ek-ek pa daw, tapos nung tawagan ako, kagigising lang, hahaha, nagpapasaway lang ako, huling lambing sa kaibigan bago sumabit sa buhay mag-asawa, mamroblema muna sya sakin bago sya magpatali.

at yon nga, make-up, tapos palit ng damit, dahil sobrang haba ng dress, naisip kong mag-tsinelas nalang kasi di nga kita..hehe, at yon nga ang nangyari, naka-tsinelas ang lola, nalaman lang nila after na ng kasal, sabi nga ni mr. B (the groom), kung alam ko lang na ganyan ka parin ka pasaway nilagay kita as flower girl, ang sagot ko naman, eh di sana flower girl nga ako, mas masaya, mas may karapatang magmalikot..hahaha

kung tatanungin ako, kung ano yong nangyari sa kasal..waaah! sobrang perfect para sakin, though maraming unexpected na nangyari, instead kasi sa garden ng beach resort, ayon umulan, lakas ng kulog at kidlat, madaming drama effect, kaya sa venue ng reception nalang ang ceremony, but it turns out to be simply perfect, highlight ang ceremony, tapos sobrang ganda ng boses nung kumanta, kung pwede nga lang ilagay sa bulsa para taga kanta ko bago matulog gagawin ko..hehe

ang cute pagmasdan yong reaction nung bride at groom, di mapalagay nung una kasi akala palpak ang mangyayari tapos nung magstart na makikita mo yong kaba, then yong tears of joy nung bride at pinipigilang luha nung groom.. tapos the first smile na ginawa nung groom nung sabihin na ang marriage vow…

sobrang observant ko no?, saksi kase talaga ako pano nagstart ang lovestory nila, ako yong hinihila ni mr. B sa paghahanap ng pasalubong kay ms. B everytime may fieldtrip kami, nakita ko pano magbitiw ng mga chessy line itong si mr. B kahit seryoso ang usapan namin, kung paano sya affected pag may mis-understanding, kaya di talaga pwedeng di ko masaksihan ang kasal nila..

at ang pinaka-gusto ko, halos lahat ng close friends ay present..kahit dalawang oras lang ang tulog, kahit pinagluto ko sila nung sunday, no probs, di mababayaran ang panahon na nagkita-kita kami ulit.. masaya na nung magkita-kita ulit parang di man lang kami nagkahiwa-hiwalay, masarap na may mapagsumbongan ng mga hinanakit at frustration, at kahit nalasing silang lahat, ok lang..hahahaha, ako ang mabaet, ako ang bunso kaya taga-kinig lang ako sa kanila..hehehe, nag-aalsa na ako ng sariling bangko.

o ano?, may naintindihan ka ba sa kwento ko?..di na i-iedit..diretso na to..wahahaha…mwuah!

manggugubat

Standard

isa sa pinaka-mahirap na parte ng pagiging mangugubat ay ang pag-papaunawa sa ibang tao bakit mo pinili ang propesyong lihis sa uso, walang kaunlaran at higit sa lahat di alam kong saan ang patutungohan, aminin mo, nung malaman mong isa akong mangugubat nagtataka ka diba? bakit may taong pinili ang magtrabaho na ang pag-aaralan ay ang kagubatan, puno, halaman at kalikasan. Sa apat na nabanggit ko, alam ko ang tatatak lang sa isipan mo ay ang kalikasan, yon lang kasi ang may mabigat at positibong ibig-sabihin.

Ang tao kasi nakakalimutan minsan na lahat nagsisimula sa isang maliit na bagay, minsan tinitingnan agad ang kabuoan, ang panghuhusga ay depende agad sa unang nakikita ng mata. Asan ang mali? Ang kakulangan nating unawain ang mga pangyayari, ang kakulangan nating himayin ang mga bagay-bagay at ang pagsusuri na may kasamang pang-uri.

Tulad din yan ng panghuhusgang natatanggap namin bilang isang kawani ng ahensya na puno na ng mantsa, paano mo bubuoin ang paninindigan na may malaki kang ginagampanan para sa iba kung sa una pa lang may mga humuhusga na? Pero bakit may mga tao paring piniling magsilbi sa mga ahensyang ito?..dahil may pera, may makukuhang kayamanan na dumadaan sa ilalim ng mesa?.. napakaduming larawan, pero wag nating kalimutang hindi lahat ng binalot sa itim na tela ay itim na, para lang yang malinis na tubig na nilagay sa isang basong di maaninag..iba ang kulay kaya di kita ang totoong kulay.

Nakakalungkot isipin na dahil lang sa ilan, apektado ang kabuoan, pero reyalidad nga diba? mahirap tanggapin, mahirap hawakan at akapin pero kailangang lunukin..

Isang hamon ang bawat araw na pagtatrabahong ang baon lang ay ideyalistikong kalinisan na sinaksak sa ulo mo ng kwadradong kwarto ng paaralan, aminado akong kinatatakutan ko na darating ang panahong maisasama ako sa bulok na kawani ng gobyerno, na darating ang panahon kakapitan din ng mga uod hanggang sa di na makilala ang sarili at naging uod narin.

Maganda sana kung uod na nagiging paru-paro, na sa pag-gapang at sakripisyo, pagdating ng araw may pakpak ding tutubo. Walang masama na pangarapin kung magkakaron din ng pagbabago, hindi lang naman sigoro ako ang naniniwala sa pag-asa ng pagbabago…

ulalo

Standard

hayaan mo akong gumapang,
ito’y parte ng buhay na kinagisnan.

hayaan mo akong masaktan,
may kapalit ang sakripisyong ginagampanan.

hayaan mo silang ako’y kaawaan,
balang araw ako’y kanilang hahangaan.

mahirap ang gumapang,
mahirap na ikapit ang kabuoan.

pero sige lang, bukas,
sa pagbabago ng anyo,
sa pagsibol ng pakpak,
lahat ay makikibahagi sa kampay
ng paglipad.

musika ni tatay

Standard

tanda ko, lumaki akong kasama na yata ang musika sa lahat ng okasyon, musika sa saliw ng gitara ng tatay, tuwing naalala ko sya, ang larawang nakikita ko sa isip ko ay may hawak syang gitara.. kumakanta.

mahalagang bagay sa kanya ang gitara, yan ang dahilan bakit nagkalapit sila ni nanay, at sya mismo ang nagturo sa nanay ko na tumugtog nito, kaya sigoro lahat din kami ginustong matutong tumugtog.

dose anyos ako nung magkainteres akong mag-praktis, tanda ko pano ako pagtawanan ng mga kapatid ko pag kinakaskas ko na ang gitara ni tatay, pero si tatay madalas ang sinasabi,

“kantahan mo kasi para di ka mawala”, sabay hirit na nasa magkabilang baryo daw ang tono ng boses ko at ang tono ng gitara… pero ako walang pakialam..basta tutogtog ako.

pero madalas nagagamit talaga ang gitara ni tatay pag may birthday ang malapit na kaibigan at kamag-anak, kami yong sanay kumanta ng madaling araw para sa may b-day, MaƱanita ang tawag samin nun… o kaya harana sa madaling araw.

pero mas higit na masaya tuwing kaarawan ng isa saming magkakapatid, magigising kaming kinakantahan ni tatay ng “brown eyes” at “how beautiful is the morning”.. tapos may blending pa ni nanay at ng kuya ko..kakamiss!

bukas, ika apatnaput-walong kaarawan ni tatay, alam ko hahawak ulit sya ng gitara kahit may videoke naman, dahil alam kong may dalang ala-ala ang pagtugtog nito, mga pangyayaring di matutumbasan ng iba..yong kantahan pag walang kuryente, kantahan sa tabing dagat tuwing hapon at yong pakontest na pauwi ng bahay habang bitbit ang kanya-kanyang dalang gitara.

mahaba pa ang panahon, sa susunod ako naman ang kakanta ng “brown eyes” at “how beautiful is the morning” para kay tatay.