Monthly Archives: December 2010

sikretong malupet

Standard

sa daku pa roon, alam ko, makikita ko ang sarili ko.
sa daku pa roon, alam ko, andun ang tahanan ko.
tahanang hinahanap ng aking puso.
pagpapalaya sa isang diwang di ko halos maabot,
pagpapalipad sa isang panaginip na minsa’y di maarok,
pag tanggap sa isang katotohanang ako lang ang aabot.

sa mga mata unti-unting nakikita ang lawak ng mundo.
unti-unting tinataas ang mga pakpak.
lilipad kung kinakailangan,
ngunit ang paglingon ay di malilimutan.

_____________________________________________________________
sino yan?

adik lang. bow!

silencio

Standard

Babalutin ko ang sarili sa kadiliman hindi upang magtago sa presensya ng ilan at lalong hindi upang maintindihan ang karamihan.

Nanamnamin ko ang dilim para sa sarili ko, yayakapin ng katawan ang katahimikan nito.

Walang magbabago, wala nga lang bago.

Sawa na ako sa pag-iisip, sawa narin ako sa madalas na pagtatanong, mas magaan ang hayaang magpadala sa anino ng gabi. Walang makakapansin, wala ang mga matang papansin sa iyong mga galaw at wala ang aninong susukat sa mga maling desisyon mo sa araw.

hindi ito pagtakas ngunit wala din sa kalingkingan ng katapangan.

Ito’y pansamantalang paglimot sa sasabihin ng iba, pagmamahal sa pag-iisa at pakikipaglaro saan man dalhin ng tadhana.Wala akong sasabihin, wala din akong dadalhin. Lahat na iniwan ko dahil alam ko hindi ko pag mamay-ari ang mundo.

Ito ba ay may dalang pagbabago? oo, kung makukumbinse ko ang sarili na tawirin ang liwanag sa kalagitnaan ng gabi. Madali lang naman, kasing dali kung paano tayo nagsimula upang matutong humakbang. Pero may ibang pang paraan, ang hintayin na maubos ang kadiliman, matatapos din ang serbisyo ng gabi. Dahil titigil man tayo, di ka papansinin ng mundo, tuloy lang ang ikot nito.

kaya habang may panahon akong itago muna ang sarili ko, gagawin ko. Alam ko pag natuto akong lumabas mula sa pagtatago, paalam na naman ito.

🙂

para sayo (adik na naman at nagsusulat lang)

Standard

aminado akong hindi ako magaling humawak ng isang pagkakaibigan, dahil sa totoo lang iba kasi ang konsepto ko pagdating sa relasyong ito, kung tahimik ka, tatahimik din ako, maghihintay lang ako ng panahon kung kelan ka lalapit at magkukwento, pero isang tawag o text lang kaya kung itigil ang ginagawa ko.

kung sa oras kinukulang ako sa panahon, di man nakakapangumusta, ang isang forwarded text, ibig sabihin nun naalala kita, di man direkta pero intindihin mo nalang. pag di ko kayang sumagot sa isang text busy-busyhan lang ang lola o di na talaga kayang hawakan ang aking selepono.

hindi ako naglalagay ng tali o kaya marka para makita ng iba na magkaibigan tayo, ok na sakin ang tiwala na ibibigay sakin.. sapat na ang kwento ng buhay mo.kung kelangan mo ng kausap kahit dies oras ng gabi..kaya kung makinig sa bawat kwento.

sa panahong kelangan ng lumayo ng isa, asahan mo di kita pipigilan, dahil yan din ang aasahan ko sayo, kanya-kanya man tayo ng kampay di ko kakalimutang magkaibigan parin tayo.

di ako sasalungat sa gusto mo, pero babatukan kita kong kinakailangan.

di ko pakikialaman ang desisyon mo pero hahambalusin ko ang konsensya mo..hahaha

at sa huli, lukring man minsan ako sa paningin mo, alalahanin mong hindi lang yan AKO. bow! mwuah!

kumpleto bigla ang araw ko

Standard

kahapon lang, pwede kung ituring na maganda ang kinalabasan ng araw ko, kahit tambak ang trabaho. at ang dahilan ng lahat ay dahil lang sa isang batang sumasayaw. bakit? kadalasan pag umuuwi ako nakasanayan kong puno ng mga bata ang street kung saan ang apartment namin, sa palagay ko hindi uso ang family planning sa kalyeng ito, ginagawang playground ng mga bata ang kalsada, imbes na dadaan ang mga jeep, ginagawa nalang parking space ng mga jeep, motorela at padyak, o ha!

pero balik sa kwento, akala ko normal lang ang pangyayari sa pag-uwi ko, sanay naman ako sa mga batang naglalaro o nag-uumpukan pero yong kagabi medyo lihis sa ordinaryo, hindi naman kakaiba, nagkakantahan lang yong mga batang nasa 8 yrs old hanggang 10 at hulaan mo kaninong mga kanta ang kinakanta nila?..wahahaha, Justin Bieber bow.

ang nakakuha ng pansin ko, ay yong batang lalaki, hmmm, 9 yrs old ang hula ko sa edad nya..sumasayaw sya sa saliw ng kanta na Love me ni justin pero ang kumakanta ay yong mga kasama nya.. di ko mapigilang ngumiti pero nung dumaan na ako sa kanila bigla nalang akong napatakbo papasok ng gate tapos nagmamadaling buksan ang pintuan namin.. at bakit?..sobrang nakakatawa ang itsura ng batang sumasayaw, gumigiling sya na parang macho dancer with facial expression pa..ang landeeeee!..hahahaha, dios mio pag nakita ng mga magulang nya sigoro yon, ewan ko lang… pagkapasok ko ng pintuan namin, humalakhak talaga ako ng bongga… wala na akong pakialam if magtataka ang kapitbahay namin..

kahit nasa kwarto na ako, di mawala sa isip ko ang itsura ng bata, may pakagat-kagat pa ng labi ang style nya..wahahahaha. bow! basta ang sigorado tinanggal nung bata ang sakit ng ulo ko.

tsokolit ni Santa

Standard

Naniniwala akong nagsisimulang mamigay si Santa Klaus ng regalo pag nagsisimula na ang buwan ng disyembre o kaya may dekorasyon na sa bahay. Kaya pagpatak pa lang ng unang araw nito, oras-oras kong binabanggit kay nanay na kailangan na naming gumawa ng christmas tree. Baka di dumalaw si Santa Klaus sa bahay kasi di pa pasko samin. Napilit ko pa ang nanay na isabit ang parol sa bintana para sigoradong makikita ni santa na may pasko samin kung sakaling dumating na sya ng Pilipinas. Umiikot daw kasi si Santa sa buong mundo pero uunahin nya muna ang mga lugar na may mga snow bago ang Pilipinas.

Pero sabi ni nanay di pa daw pwedeng magsabit ng medyas kasi sa bente-singko pa ang pasko, di daw mapapansin ni santa ang isasabit ko. Pero bakit ang kapitbahay naming mga bata araw-araw ng kumakain ng tsokolit galing kay santa, puno daw ang mga medyas na sinabit nila.

Kahit di pa pwede, sinabit ko ang medyas doon sa may bintana, halos katabi na ng parol, sigorado ako makikita agad iyon ni santa kahit nasa langit pa sya at lumilipad.

Kinaumagahan, walang laman.

Nalungkot ako, pero tama sigoro si nanay di pa dumating si santa sa pilipinas. Pero bakit yong kapitbahay merong laman ang mga medyas? Tiningnan ko pa nga, mga tsokolit parin katulad nung mga tinda ng mama nila, sigoro di dumalaw si santa kasi wala kaming tindahan.

Pag-uwi ko sinabi ko kay nanay. Sabi mo wala pa si santa Klaus, bakit sila may-may may tsokolit na galling kay santa?
Bakit po sakin wala? Sinabit ko pa naman sa bintana na may parol para talagang makikita ni santa. Kailangan po bang malaki ang medyas at malinis? Sila may-may nasa kwarto lang kaya sinabit tapos hindi pa malinis ang medyas, bakit meron na?
Ngumiti lang si nanay tapos sabi, kasi si santa sa December 16 pa magsisimulang dumalaw satin. Sa susunod doon mo isabit sa Christmas tree para madaling mahanap ni santa ha.

Araw-araw kung tinitingnan ang kalendaryo, binibilang ko ilang araw nalang para December 16 na. Nung December 15 na, sabi ni nanay pwede ko na raw isabit ang medyas, tapos matulog nang maaga kasi magsisimba kami para sa Misa de Gallo.
Di ako makatulog kakaisip na lalagyan na ni santa ng tsokolit ang medyas na sinabit ko, yong mahabang may bulaklak na maliliiit na kulay pink pa para magandahan si santa.

Naisip ko pang baka pwede kong makita si santa, magkakasya kaya sya sa pintuan namin? Pero may magic sya, alam ko mapapaliit nya ang sarili nya.

11:30.

11:45.

11:50.

Pinipigilan ko talaga ang antok, hinihintay ko si santa, bawat may kakaibang tunog alerto ako, baka sakaling si santa na yon.

12.50.

Wala parin. Bumangon ako, umupo sa may hagdanan pero sa parteng alam ko di ako makikita ni santa pag dumating sya. Pero wala parin. Baka alam nya na hinihintay ko sya. Ayaw nyang magpakita.

Bumalik nalang ako sa higaan at natulog.

Nagising ako sa mahinang tawag ni nanay alas kwatro na daw, ako lang kasi ang gustong-gustong sumama magsimba, mga kapatid ko, mantikang natutulog. Bago lumabas ng bahay sinilip ko ulit ang medyas, wala parin.

Pagkauwi lakad-takbo na ang ginawa ko, iniwan ko na si nanay sa simbahan, sabi ko mauna nalang ako, madami pa kasi syang kausap.

Pagdating sa bahay, diretso sa Christmas tree, sinilip ang medyas wala parin.

Ang lungkot-lungkot ko, maiiyak na hindi. Pero di bale di pa naman talaga umaga, di pa sumisikat ang araw, hahabol si Santa Klaus. Alam ko.

Tinulog ko nalang ulit.

Ginising ako ng kapatid ko, kumakain na sya ng tsokolit. Balikwas ako, takbo agad, Yey! May laman na ang medyas. Limang tsokolit tapos may bente pesos…. Sabi na nga ba! Di ako makakalimutan ni Santa.

Ang saya ko, kahit nagtataka bakit may mga tsokolitddin ang mga kapatid ko. Di naman sila nagsabit ng medyas? Sigoro nakita ni santa na may mga kapatid ako, nilagay nya sigoro sa mga unan nila. Sigoro ganun nga.

Basta masaya ako na di ako nakalimutan ni santa at alam ko babalik sya, kilala na nya ako.