Monthly Archives: March 2011

panahon

Standard

Kung panahon ang maghuhusga
Mabuti pang idaan nalang lahat sa tawa
Wala namang itong kaibahan sa pagluha
Iikot at iikot parin ang lahat.

Wag matakot sa pagbagsak
Ulan nga’y di nagreklamo na buong buhay
Sila’y bumabagsak at bumabagsak.

Dahil panahon naman ay lumilipas
Mabuting hayaang maibahagi sa lahat
Ngiting naibulas pagkatapos ng pag-iyak
Iikot at iikot parin ang lahat.

Sa pagbagsak na di alam ang babagsakan
Ulan ay kabahagi sa pakiramdam
Dahi ikaw ay bumabagsak, bumabagsak.

Panahon ay hayaan dahil ito’y may sariling bilang
Kelan ang pagtayo, kelan ang paglipad
Wala tayong alam
Pero may panahong magbabahagi ng karanasan.

—————————————————————————–

ang sipag kong magpost no?..haha
ang totoo, gusto ko lang i-post tong tula na matagal nang nagtatago, kung bakit di ko sya nakita, yon ang di ko masagot..hahahaha wala lang trip kung magpost ng bago.. last year ko yata to ginawa kung kelan, di ko maalala.

ok, kahit gusto ko ang tag-araw, gusto ko rin ang panahon ng tag-ulan, kaw ba naman ang lumaki sa probinsyang halos buong taon may ulan, syempre masasanay ka.. plus masarap matulog..hehe

walang eksaktong patutunguhan tong tinitipa ko, basta gusto ko lang magsipag na magpost ng entry..hehehe

balik aninipot

Standard

Minsan may mga ordinaryong pagkakataon na nagpapabago kung paano natin nakikita ang mga simpleng bagay, mga ordinaryong eksena tumatatak ng aral na dadalhin natin habang buhay.

Kahapon lang, habang sakay ng jeep may tao akong nakilala, si andre isang ordinaryong mukha na hindi natin papansin pag nag-cocommute. Wala namang kakaiba, sumakay ako ng jeep paauwi kasabay ng mga nanay ko sa opisina, upo tapos wala ng pakialam sa paligid.. pero bigla akong hinila ng isang kaopisina para umupo sa tabi nya.. lipat ulit ng upuan, walang problema sakin kase baka gusto lang nila akong katabi.. pero iba pala ang rason.

Pagkalipat ko ng upuan, saka ko napansin na ang katabi ko nung una, pumapalakpak, tumatawa at nagsasalita mag-isa.. unang kong reaksyon, natakot. Sabi ng isang nanay-nanayan ko…”baliw ang nakatabi mo” kaya daw pinalipat ako nila.

Pero dahil dun, inobserbahan ko sya.. kinakausap sya nung asawa nung driver na nagsilbing konduktora.. “andre” ang tawag sa kanya, tapos nung nakita nung konduktora na tinitingnan ko yong si andre sabi nya “mabaet yan”.. alam mo yong pakiramdam na napahiya ka kahit di mo naman intension na gumawa ng kasalanan, yon ang naramdaman ko.

Tapos saka ko napansin na sumasagot sya ng matino sa mga tanong sa kanya nung konduktora, hindi sya baliw, may kunting kulang lang sa pag-iisip, isang taong espesyal pero namumuhay ng normal… pumapalakpak at tumatawa sya kase masaya sya.. ganun daw si andre pag sumasakay ng jeep sabi nung konduktora. Libre ang pagsakay nya sa jeep, kase bababa din naman daw sya sa pinakamalapit na chapel para magsimba.

Nung pagkababa ni andre, napatanong ako sa sarili ko, ang simple lang ng kaligayahan nya, saka ko biglang naisip na halos tatlong buwan kong naikulong ang sarili ko sa ibang bagay.. nakalimutan ko ang sarili ko, nakalimutan ko na simple lang pala ang nagpapasaya sakin. Nakakatawa ano? Umaabot tayo minsan sa lebel na ang dami nating dinadala pero kung tutuusin pwede naman itong bitawan o ilapag para di mabigatan.

Ang dami kung nakalimutan sa mga ordinaryong ginagawa ko dati, nakalimutan kong i-appreciate minsan ang pagkakaroon ng sandali na hawak ko ang oras ko, mahirap makipaghabulan sa ating sarili mismo, tapos wala naman palang nagbabago dahil paniwalaan man natin o hindi may mga bagay na di natin kontrolado.

Kahapon, imbes na sumakay pagkadaan mula sa pinakamalapit na mall, nilakad ko nalang, nakakamiss pala ang paglalakad kahit mag-isa lang, dumaan ako sa pinakamalapit na parke kahit isang klase lang ang mga puno dun, Masaya na ako na nakadaan ulit dun kasama ang mga artipisyal na kalahi kung alitaptap..

natuwa ako, dahil kay andre bumalik na sa dating sarili si aninipot.. 🙂

chikahan

Standard

ang pagtanaw sa malayo ay salamin daw ng pag-iisip ng malalim, maganda sana kung masusukat ang lalim nito tapos ikukumpara kung saan ang kayang abutin ng nag-iisip pero madalas hanggang sa pag-iisip lang, walang hakbang, ‘ika nga ang pag-iisip ng mahabang oras ay katumabas lang minsan ng isang linya ng salita. Tapos.

mahabang oras na pag-iisip pero ang laman ay pabalik-balik, ayaw tapusin kase yon naman ang gusto ng saloobin. Pag naiisip na ang negatibong bagay, madalas ayaw tanggapin, syempre! sino ba ang nangangarap na sa dulo palpak din.. mala-fairytale o kaya success story lahat, binuo sa isip na parang pelikula lang, nagsimula sa simpleng eksena hangang sa manganak ng libo-libong sunod-sunod, matamis, magaan at para kang dinuduyan… tapos biglang ngingiti, mapapailing saka malalaman na ikaw pala ay dinala na naman ng isip sa lugar ng pantasya. haays! ang sarap mangarap pero pag pumasok sa isip na sobrang layo nito sa reyalidad, titigil at kakalimutan ang lahat.

ang isa sa mga bagay na maganda sa mga nabibigyan ng tsansang tumipa ay ang magkwento, may katotohanan man, kunting patotoo o kaya produkto ng pangarap ng humahawak sa daliri. Masarap magkwento pero mas masarap ang may kakwentuhan. kung ayaw mong lumipad sa mundo ng pantasya, maghanap ka ng kausap, simpleng palitan lang ng kuro-kuro, tanggal na ang inip, minsan pagod at ang madalas lumilipas ang oras na di namamalayan.

saan nga ba patungo ang pagtipa ko?..hehe, di mo alam? ako din hindi alam, paki-batukan nga…hahahaha

ang totoo, masarap palipasin ang oras sa paraang nagkukwento ako, tapos di ko naman kilala kung sino ang kausap ko, bale chikahan lang sa may kalsada, o kaya sa nakatabi sa jeep, pag baba, bye bye na.. sa susunod na taong ka-chikahan ulit.. ganun kasimple, ginawa ko lang kumplikado, hindi pala, mas lalo ko lang pinagulo..hahahaha

sa bawat pag-uwi.

Standard

may mga bagay talaga tayong hinahanap kahit pwede naman sabihing nakakapamuhay pa naman tayo ng mabuti, sa parte ko mas madalas kung inaabangan ang makauwi sa probinsya, kahit siyam na oras pang nakaupo sa bus andun parin yong excitement.. di nawawala, dala sigoro to nang dahilan na nag-aral ako sa malayo, tuwing sem-break, christmas break at summer lang nakakauwi dati.. sa ngayon sinusubukan kong makauwi isang beses sa isang buwan, sabihin man nilang nakakapagod ang ginagawa ko..wa pakels.. syempre andun pamilya ko.. masarap matulog sa bahay at higit sa lahat, masarap ang mga pagkain.

at eto pa ang ilan sa mga dahilan bakit di ko ipag-papalit ang pag-uwi kesa sa iba pang mga lakad.

dagat, dagat, dagat.. oo lumaki ako sa dagat pero di marunong lumangoy..hehehe, pero sabi ko dati di ko kayang mamuhay ng malayo sa dagat, sa pananaw ko kase mas madaling maglabas ng mga hinanakit, ng pagod kung may nakikita kang malawak na dagat.. biased ako syempre kase nga lumaki ako malapit sa dagat diba? plus may bangkang de motor din kami kaya madaling pumunta sa mga malapit na isla.

eto pa.. sunset.. alam ko sasabihin mong kahit saan may sunset, mas maganda pa nga yong sa iba.. pero di nabibigyan ng judgement ng picture ang bawat sunset na nakikita ko tuwing umuuwi.. bakit? una, dahil mas masarap ang pakiramdam na panoorin ang paglubog ng araw kung nasa sariling bayan ka, walang nakakatakot, walang agam-agam.. masarap sa pakiramdam na pag madilim na ang paligid, pag-uwi mo andyan ang pamilya mo.. samahan pa ng malamig na hangin, o diba ang saya.

at panghuli, eto yong nasirang hanging-bridge papunta sa bahay ng lolo ko.. dati tinatakbo ko lang ang pagtawid dyan kaso, more than ten years nang putol.. bukana ng ilog papuntang dagat at sa likod mga mangroves kung saan inaabangan ko ang takipsilim, ang dami kaseng alitaptap.. maraming-marami na para silang mga christmas lights lalo na pag fullmoon, ang sarap mamangka.

nang-iinggit ako? OO, nang-iingit ako..hahahaha, at next week uuwi na naman ako..mwuah!

guhit sa palad

Standard

Sa bawat pagtitig mo sa mga kamay mo, anong naiisip mo? Anong nakikita mo?.. ako puro guhit..hehe, seryoso, ang tao daw may kanya-kanyang guhit sa palad literal mang intindihin o hindi. Pero mas gusto kung isipin na ang mga linya sa kamay ko ay mag nais ipakahulugan tulad ng letrang M.. tingnan mo ulit ang mga palad mo, diba may mga major lines dun na ang letrang makikita ay M.. naks! Isa lang ang nasa isip ko pag tinititigan ko sila MAYAMAN.. pwedeng sa pera, pwedeng sa pagmamahal, pwede ring mayaman sa kagandahan.. ay! Pwede rin palang MAGANDA..wahahaha, kapalmuks na.

Pero ang mga guhit sa palad ay pwedeng resulta ng mga kalyo sa pagtatrabaho, sa pagsisikap na matupad ang iginuhit sa mga kanya-kanyang palad.. babalikan ulit natin si tadhana, si tadhanang walang alam, si tadhanang inosente, si tadhanang nasa gilid lang at naghihintay ng resulta… syempre tagasunod lang naman sya ng mga desisyon natin, masarap lang isiping may malalabasan tayo ng sisi sa huli pag may pagkakamali.. isang pagkakamali katumbas din ng isang guhit na naman sa palad pero mas higit ang markang kudlit sa dibdib.

Walang tao ang di man lang umabot sa pag-iisip na sana maganda ang kahihinatnan ng sariling mga kamay, na kahit may mga bagay na di natin kayang hawakan, umaasa parin tayong lumapat sila sa dalawang bukas na palad. Pero dahil nga hindi lang straight lang ang nakaguhit mas madalas pa nga ang kurba o baliko. Anong aasahan natin?..syempre matutong makisakay sa balikong linya hanggang umabot eto sa tamang linya na aayon mismo sa sarili nating mga panlasa.

Pagbibigyan ng pagkakataong baguhin ang guhit sa sariling palad , mas pipiliin kung manatili ang guhit nung isinilang ang batang ako.. wala naman kase talagang nakaka-alam sa mangyayari, sa hulihan desisyon parin natin ang mangingibabaw, tayo parin ang may hawak para balansehin ang mga nangyayari satin.

Pero pag may pagkakataon ako..guguhitan ko ang mga palad ko.. guguhitan ko ng kulay pink para Masaya, at kakaiba pa..hahaha 🙂

update daw!

Standard

umaabot din pala talaga tayo sa pagkalimot minsan sa mga madalas nating gawain, tulad ng pagbablog, aminado akong dumaan ako sa puntong isang totoong adiktus, na hindi pwedeng lumipas ang araw na hindi nakakadalaw sa blogsite o kaya makapagbloghop.. pero pag inabot din pala ng panahong mas gusto mong manahimik kesa itipa ang nararamdaman pwedeng-pwedeng kalimutan na parte ka minsan ng bertwal na mundo.

maraming dahilan, minsan masyadong personal at meron ding iba ang hinahanap, taong pwede mong sumbongan na nakikita at nahahawakan.. hindi naman sa minamaliit ko ang mga pagkakaibigang nabubuo sa mundong to, pero alam nating lahat na mas nagiging malapit lang kayo pag nahaluan na ito ng personal na pagkikita at pagkakakilanlan.

sa parte ko na mas piniling magpakilala bilang walang mukha mas maliit ang tyansang mapalapit sa iba.. pero tama lang din, walang kasigorohan din kase ang pananatili dito, kako nga matira ang matibay.

haha, ang seryoso ko.. emo, madrama, itawag mo na lahat ng gusto mong itawag ok lang. Basta tumitipa lang ako.

ang totoo, inaantok ako, hindi inlababo ang dahilan bakit madalas akong wala, kasalanan ng allergy ko, at syempre ang kapartner nyang anti-histamine.. nabubwesit na akong uminom nito pero dahil gusto kong gumaling ok go!.. lulunukin.

lately, ang daming nawala sa mga gawain ko, tulad ng pagbabasa ng libro.. namimiss ko na ang lumipad sa ibang mundo sa pamamagitan ng pagbabasa, dalawang pahina palang, pumipikit na ang mga mata ko… walang coffee painting dahil mas gusto kong matulog kesa mabangag sa kape (kaya pasensya naman sa napangakoan ko ng gravatar, wala po talagang oras).

o sya babush.. pag magaling na ako malamang ma-aasikaso ko na ulit maging adik 😀