Monthly Archives: June 2012

Tara, usap tayo

Standard

Ang hanap ko lang naman ay kausap, mga simpleng bagay sa ordinaryong panahon. Tanggal ang  maskara at harang. Mahina kung mahina. Malungkot kung malungkot at totoong tawa pag masaya.

Hanap ko ay kausap, walang halong kaplastikan. Walang pader na sasandalan at salita’y hindi tinatakpan.

Hindi talino ang kailangan, mas higit ang unawa sa nararamdaman. Hindi hagalpak na tawanan nguni’t ngiti na nagsasabing “ok ka lang?”

Wala din sa magarbong salita, o kaya’y sa mabulaklak na dila. Simpleng kausap lang ang kailangan ko, puso sa puso.

Magkukwento lang

Standard

Minsan iniisip ko kung ano nga ba ang dapat na i-blog? nakakatawa lang kase dalawa’t kalahating taon na akong tumatambay sa blogosperyo tapos ngayon ko lang ito pinag-isipan.

Sa totoo lang nakakamiss din yong mga panahong wala kang pakialam sa kung ano ang itipa, kung anong maisip yon na. Napakadali lang maglapat ng kung anu-ano. Bakit nga ba napakadali lang dati tapos ngayon kinakapos na ng kwento?

Wala naman kaseng konsepto kung paano i-rolyo ang blog na to. Walang tema. Pero namimiss ko ang aninipot na inosente, ang karakter ng orihinal na aninipot. Dapat kase magdadala s’ya ng liwanag sa dilim. Kislap ng kunting pag-asa at isang makulit na nilalang. Nawala na yon. Hindi ko na makita kasabay ng paglipas ng oras na manatili ang pahinang ito.

Iniisip ko na sana pala hindi ako lumagpas sa linya at manatiling pangalan lang si aninipot. Pero mas gusto ko naman ang pagkakaroon ng mga kaibigan. Mga kaibigan na pinili din na lumabas sa kwadradong mundo kaya quits lang pala. Haha!

Walang kwenta na naman pala ang  kwento ko. hehehe! Hayaan mo na at least may nabasa kang bago.

Nasabi ko bang bangag lang ako dahil sa nakakapagod na byahe? kung hindi pa, ayan nasabi ko na at dahil gusto kong magkwento pagbigyan mo pa ako ng limang minuto.

Umuwi ako ng surigao, kain at tulog lang ang ginawa mga apat na araw na bakasyon. Nang-iinggit ako, Oo! haha, daming seafoods, hindi lang pala kain at tulog ginawa ko, dahil frequent ang brown-outs nasubukan kong pagmasdan ang sobrang daming bituin sakay ng bangka sa ilog at mga alitatap na parang mga christmas lights. Sobrang ganda promise!

Pagkatapos ng bakasyon, 10 hours travel ulit papuntang Cagayan de Oro, tulog ng 3 hours at prepare ulit papuntang Davao. Ayon 15 mins lang sa himpapawid mas matagal pa ang paghihintay sa airport. Masaya lang maraming kainan na nakapalibot sa hotel at nasa likod lang ang people’s park.

Kinabukasan instead of Kidapawan City lang ang pupuntahan, ang kausap ko nasa Koronadal City, sakop ng north cotabato. Well, anong magagawa ko kundi diretso dun. 15 mins. na pakikipag-usap at diretso na ng General Santos. Nagpalibre lang ng kape sa Favorite Prof. dati. Kunting kwentohan tapos balik.Davao ulit. Road trip na wagas, para lang di magreklamo ang driver, pinaghalo-halo, ice cream at kung anu-anong pagkain na madaanan. haha! at may sipon pa ako niyan.

kinabukasan, nilagnat na ako plus na-reschedule ang flight. Ang masama nag check-out na ako bago pa ako matawagan. Ayon! sa mall ang bagsak ko, at dahil kelangan kong magpahinga, pumasok ako ng movie house para matulog. Ngayon ko lang naintindihan yong pakiramdam ng mga kasama ko na papasok ng movie house para matulog.

Ayon! nakauwi nman pero bangag. Sigoro maiintindihan mo kung gaano kagulo sched. ng trabaho ko, mas maraming beses na mas malala pa dyan.

Pero pinangako kung babalik ako for Lake Sebu. haha! At gusto kong pumunta ng Basilan at tawi-tawi promise!

KM3: Tinig na ‘di marinig

Standard

Kung sisigaw ba ako maririnig mo? Kung ibubulong ko ba diringgin mo? Kung ipapaliwanag ko ba maiintindihan mo?

‘Di nga ba tayo ay nakakulong? Nakakulong sa konsepto na may hangganan ang bawat pagbuka ng bibig at may limitasyon ang pagpakatotoo. Paano na lang tayo? Magtatago sa dilim upang iwasan ang mapanghusgang lipunan? Totoo, mahirap ang lipunang ginagalawan natin. Naniniwala sa pagbabago pero walang ginagawa para maisakatuparan ito. May mga mata pero nagiging bulag sa kagustuhang ‘di magkamali. May pares na tenga para makinig pero naging bingi dahil masakit pakinggan ang boses ng katotohanan.

Alin nga ba ang mas madali? Ang sumunod sa agos na dikta ng karamihan o maging malaya pero hinuhusgahan? Nakakatakot, dahil parang walang tama sa pagpipilian.

Ngunit may tawag sa ayaw pumili, duwag.

Duwag ang ayaw humakbang, duwag ang takot humarap sa demonyo ng buhay. Papayag ka na lang ba na maging uto-uto sa batas na ginawa ng ilan? Batas na may butas para paikotin ang walang alam. Minsan buwis-buhay ang pagkakaroon ng paninindigan pero mas mabuting ipaglaban ang prinsipyo kesa maging sunud-sunuran. Maglalakad ka na walang kaluluwa, ang tawa mo ay walang saya at ang luha mo ay walang dahilan kung pipiliin mong umayon na lang sa kagustuhan ng may kapangyarihan.

Mapanganib, mapanganib ang pamumuhay sa mundo, hindi dahil sa masasamang tao kundi dahil sa mga taong ayaw kumibo. Kakainin tayo ng mga sakim, mababalot tayo ng takot hanggang unti-unting mawawala ang nabuong respeto sa sarili.

Kelan ba nagging madali ang paglakbay tungo sa kalayaan? Unang balakid mismo ang pinakamahirap. Ang pagpapalaya sa sarili, ang pagtanggap ng buo sa iyong pagkatao at ang pagpanday ng lakas ng sikmura para harapin ang mga mata na mapanghusga.

Ang mahusgahan ay isa sa mapait na katotohanan ng reyalidad. Kung pwede lang maglaho na parangbula para maiwasan ito. Pero sino nga ba ang perpekto? Sino ang walang kahinaan? Sino ang walang nagawang pagkakamali?

Ang pagkilala sa sarili ang madalas makaligtaan. Sumusunod tayo sa dikta ng lipunan para mahanap ang ating sarili pero nakalimutan natin na ang pagbuo nito ay sisimulan sa pagtanggap kong sino tayo.