Monthly Archives: July 2014

Cascade

Standard

Ubos na ang kwento. Di na uso ang blog. Wala nang dahilan ang pagtipa. Busy. Tinatamad. Sangkaterbang dahilan bakit naghihingalo na ang blog na to. Pero normal lang sigoro. Aabot at aabot din sigoro talaga tayo sa dulo. Halos limang taon na din simula ng maisip kung ipagkalat ang mga tinatago kung salita. Maraming masasayang alala na inimprinta at ibinahagi sa mga estrangherong napapadpad sa pahinang to. Meron ding mga sakit sa dibdib na pilit tinatago sa salita.

May nagsasabing malalim, makata, magulo at meron ding wala lang. Isinatitik ang mga araw-araw na pangyayare. Pinaagos na parang tubig lang. May malinis, may maitim, may nagpapalutang ng mga bagay at emosyon. Ito ang kapangyarihan ng pagkakataon na makapagpalabas ng mga tinatagong parte natin. Masarap tumipa na parang naiintindihan ng iba na parang hindi. Magaan sa pakiramdam na nakakapagpalabas ka ng mga gusto mong sabihin pero sa hindi diretsong pagkakasabi. Pwedeng marami at pwede ring iilan lang ang makakaintindi. Minsan nga isang tao lang.

Pero alam mo ano ang pinakamasarap? ang makatagpo ka ng mga taong halos kapareho mong mag-isip dahil lang sa mga itinipang salita. Mga taong di mo inakalang pwede mong maging kaibigan. Pwedeng magdrama, pwedeng maging luka-luka dahil tapos mo nang naipakita sa kanila ang pananaw mo sa mundo, ang pananaw mo sa buhay. Minsan nga mas madali pang mag kwento sa mga taong nakilala mo lang dahil pareho kayong tumitipa sa mundong to kesa sa mga taong kilala mo sa totoong buhay.

Dito ikaw ang magtuturo maging totoo mismo sa sarili mo. Pero pwede ka ring gumawa ng sarili mong mundo. Ikaw ang pipili saan mo gusto basta dapat alam mo at the end na may reyalidad sa likod ng mga salita. Hindi ito wonderland at lalong hindi panaginip. Ito’y lugar kung saan pwede mong ipa-agos ang buhay mo gamit ang mga salita.

Nakakapagpagaan lang talaga sa loob ang tumipa lang. kahit alam mong pwedeng walang babasa nito. Tulad ngayon, di ko alam kung kelan na naman ako makakabalik sa pahinang to, pwede bukas, pwedeng susunod na linggo o kuya susunod na buwan. Basta may lugar lang na pwedeng balikan kahit nasa kwadradong mundo pa ito.

P.S. malapit na birthday ko kaya trip ko biglang tumipa. Lol.

Advertisements