Tag Archives: childhood memories

Saranggola tuwing tag-araw

Standard

Pag may lumilipad nang saranggola sa himpapawid, alam ko bakasyon na. Napapangiti ka na lang habang pinapanood ang mga bata, masunog man sa araw hindi mapipigilan sa pagpapalipad. Daig pa na parang buhay na nila ang hawak sa nakatali na pisi. Ang hindi mababayaran? Ang ngiti sa mga labi ng bawat batang may taling hawak habang nakatanaw sa saranggolang sumasayaw sa hangin. Mapa-abandonadong lugar, sa tabing dagat o sa gitna ng bukid at palayan. Pare-pareho ang pakiramdam ng mga taong nakahawak sa tali nang lumilipad na saranggola. Lumilipad ka, pansamantalang walang pakialam sa mundo, pansamantalang walang problema.

Ito ang pakiramdam na ang sarap balikan, ang amoy ng hanging dagat o kaya ang hangin sa bukid. Ang simpleng buhay habang nagtatawanan sa pag-gawa ng saranggola, ang halakhakan kapag bumulusok ang saranggola at ang ngisi kapag naabutan o mas mataas ang lipad ng saranggolang hawak. Ang amoy ng pawis ng kabataan, takbo doon, takbo dito hangga’t may matakbuhan habang nagpapalipad at ang pag-share ng baong biskwit sa bulsa. Hati-hati para lahat makatikim. Ang simple lang ng buhay natin noon pero masaya.

Tuwing tag-araw, saranggola ang kasabay sa pangangarap, ang kasama sa pagpapalipas ng oras na nakangiti at tulay para sa mga bagong kaibigan. Tara! Magpalipad ulit tayo ng saranggola. 🙂