Tag Archives: valentines

bittersweet valentines

Standard

May pagkakataon na napapaamin ko ang sarili ko na minsan umibig din ako ng tunay. Hindi man naibalik tulad ng karaniwang inaasahan, pakonswelo ko sa sarili ko na nasubukang kong magmahal. Hindi yong pagmamahal sa pamilya at kaibigan kundi yong pagmamahal na nagsimula sa pagiging estranghero, naging kaibigan na umabot sa panahon napapabilis nya ang pintig ng puso. May halong kakornihan at hiya dahil sino ba ang aamin na nabigo di ba? Sino ba sa atin ang malakas ang loob na humarap sa reyalidad na hindi lahat ng gusto natin napapasa’tin? Ilang beses mang pangarapin at ipagdasal kung hindi para sa’yo hindi talaga magiging iyo.

Hindi rin madali ang magpanggap na wala ka nang pakialam pero mas mahirap ang paniwalain ang sarili na okey ka pero hindi pala. Mahirap ding lumayo pero walang maisip na dahilan para ipagpatuloy ang nararamdaman. May mga taong nakasandal sa lakas ng loob na pinapakita mo yon ang sabi mo sa sarili. Kaya diritso ang lakad dala ang pag-asang maghihilom din ang sugat na ikaw din ang may gawa. Pinaasa mo kase sarili mo.

Mas mahirap ang pagkakataon na walang taong makwentuhan at pwedeng iyakan. Hindi mailabas ang bigat sa dibdib. May pagkakataon na parang wala nang pakiramdam at kinukwestyon na kong totoo pa ba ang mga ngiti sa labi. Minsan gusto mong magalit sa taong dahilan ng kalungkutan mo pero hindi mo rin magawa dahil aminado kang hindi nya kasalanan na kaibigan lang ang tingin nya sayo. Wala kang magawa kundi umusad. Lilipas din to, nagiging favorite mantra mo.

Ngayon, napatunayan kong totoo pala. Lahat lumilipas, lahat nagbabago. ‘yong mga dating nagpapakaba tinatawanan na. Ang dahilan ng hapdi nakakapagpangiti na. Naghilom na ang sugat. Pinatibay na nang panahon, unti-unti na ring lumilinaw ang kulay ng mundo dahil nakikita na ito sa ibang anggulo. Nabago na ang  pananaw sa buhay.

Pag-ibig nga naman. Bigo man hindi natin pwedeng baguhin ang nakaraan. Hindi rin pwedeng diktahan ang hinaharap kaya buhay kasalukuyan ang aasahan. Kung dati excited akong makaramdam na umibig ngayon tama na muna. Hindi ko rin naman pinagsisihan ang nangyare, maraming beses din naman aking ngumiti, kinilig at napasaya dati. Kung makikita ko nga sya ulit magpapasalamat ako. Ngayon akin na muna sarili ko papasayahin ko muna bago ko ulit i-share. 😉